Malinaw na ipinahahayag sa Bibliya na
ang wika ay kaloob ng Diyos. Sa mga relihiyoso, walang duda ito. Napakarami at
napakasalimuot nga naman ng mga wika sa daigdig. Walang makagagawa nito kung hindi ang
Maylalang ng lahat. Sa Bibliya pa rin, isinasalaysay kung paanong mula sa
iisang wika, ang mga tao sa daigdig ay nagkakaroon ng iba't ibang wika. Naaalala
mo pa ba ang kwento kay Babel at sa kanyang tore?
Sa huling bahagi ng ikalabindalawang
siglo, ang mga iskolar ay nagsimulang mag-usisa kung paanong ang tao ay
nagkaroon ng mga wika. Dahil dito, lumitaw ang mga sumusunod na teorya ukol sa
pinagmulan ng wika.
Teoryang Bow-wow
Ayon sa teoryang ito, maaaring ang wika
raw ng tao ay mula sa panggagaya sa mga tunog ng kalikasan. Ang mga primitibong
tao diumano ay kulang sa mga bokabularyong magagamit. Dahil dito, ang mga
bagay-bagay sa kanilang paligid ay natutunan nilang tagurian sa pamamagitan ng
mga tunog na nalilikha ng mga ito. Marahil ito ang dahilan kung bakit ang tuko
ay tinatawag na tuko dahil sa tunog na nalilikha ng nasabing nilalang. Pansinin
ang mga batang natututo pa lamang na magsalita. Hindi ba't nagsisimula sila sa
panggagaya nga mga tunog, kung kaya't
ang tawag nila sa aso ay aw-aw at sa pusa ay miyaw. Ngunit kung totoo
ito, bakit iba-iba ang tawag sa aso halimbawa sa iba't ibang bansa gayong ang
tunog na nalilikha ng aso sa Amerika man o Tsina ay pareho lamang?
Teoryang Pooh-pooh
Unang natutong magsalita ang mga tao,
ayon sa teoryang ito, nang hindi sinasadya ay napabulalas sila bunga ng mga
masisidhing damdamin tulad ng sakit, tuwa, sarap, kalungkutan, takot,
pagkabigla at iba pa. Pansinin nga naman ang isang Pilipinong napapabulalas sa sakit. Hindi ba't siya'y
napapa-aray! Samantalang ang mga
Amerikano ay napapa-ouch! Ano ang naibubulalas natin kung tayo'y nakadarama ng
tuwa? Ng sarap? Ng takot?
Teoryang Yo-he-ho
Pinaniniwalaan nga mga nagmungkahi ng
teoryang ito na ang tao ay natutong magsalita bunga diumano ng kanyang pwersang
pisikal. Hiindi nga ba't tayo'y nakalilikha rin ng tunog kapag tayo'y
nag-eeksert ng pwersa. Halimbawa, anong tunog ang nililikha natin kapag tayo'y
nagbubuhat ng mabibigat ng bagay, kapag tayo'y sumusuntok o nangangarate o
kapag ang ina ay nanganganak?